eHarlequin

Thursday, August 25, 2011

Sa Bawat Paglubog ng Araw


Naaalala ko pa…
           Habang ang paghampas ng alon ay
           Nakikiramay sa unti-unting
           Namamaalam na araw,
                 Naroroon ang pagtitiwalang minsan
                 Nating ibinigay ng buong-buo.

Naalala ko pa…
           Ang mumunting tinig ng bata
           Na sumambit ng mga katagang
           Tumunaw ng ating kamulatan…
                 “Pagmasdan mo na ang paglubog ng araw, bukas wala na ‘yan.”

Naaalala ko pa…
           Ang salitang binitiwan ng isang kaibigan
           Na ilang ulit kong pinag-isipan at binigyan ng kahulugan…
                 “Kailan kaya papayapa ang dagat? ”

Naaalala ko pa…
           Ang iyong pagmamadali
           Upang abutan ang muling paglubog nito.
           Ngunit ika’y nabigo,
           Sapagkat maramot ang ulap…
                 “Maramot ang ulap, ngunit bukas hihintay akong muli ng paglubog ng araw.”

Naaalala ko pa…
           Ang bawat sandaling nagbigay
           Ng lakas sa ating pagkakaibigan…
           Ang mga salitang ating nilikha,
           Upang mas maging makahulugan…
           Ang bawat titik…
                 Ang bawat salitang nagpapatimbang
                 Ng ating dugo.

Ngunit…

Alaala na lamang…
           Ang bawat paghampas ng alon,
           Ay tila tinig na nagmumula sa’yo…
           Ang liwanag na nagmumula sa tubig,
           Ay tulad ng iyong titig…
                 Malalim…
                 Makahulugan…

Habambuhay…

Aalalahanin ko pa rin…
          Ang bawat paglubog ng araw,
                 Na kasama kita…
           Ang bawat paghampas ng alon
                 Na nagbibigay halaga…
           At kahit saaan ka man naroroon,
           Alam kong kasama kita ngayon…
                 Nakatingin…
                 Nagmamasid…

At kahit alaala na lamang ang lahat…
           Hayaan mong pagmasdan kong muli…
                 “Ang bawat paglubog ng araw…”

0 comments:

Post a Comment