Naaalala ko pa…
Habang ang paghampas ng alon ay
Nakikiramay sa unti-unting
Namamaalam na araw,
Naroroon ang pagtitiwalang minsan
Nating ibinigay ng buong-buo.
Naalala ko pa…
Ang mumunting tinig ng bata
Na sumambit ng mga katagang
Tumunaw ng ating kamulatan…
“Pagmasdan mo na ang paglubog ng araw, bukas wala na ‘yan.”
Naaalala ko pa…
Ang salitang binitiwan ng isang kaibigan
Na ilang ulit kong pinag-isipan at binigyan ng kahulugan…
“Kailan kaya papayapa ang dagat? ”
Naaalala ko pa…
Ang iyong pagmamadali
Upang abutan ang muling paglubog nito.
Ngunit ika’y nabigo,
Sapagkat maramot ang ulap…
“Maramot ang ulap, ngunit bukas hihintay akong muli ng paglubog ng araw.”
Naaalala ko pa…
Ang bawat sandaling nagbigay
Ng lakas sa ating pagkakaibigan…
Ang mga salitang ating nilikha,
Upang mas maging makahulugan…
Ang bawat titik…
Ang bawat salitang nagpapatimbang
Ng ating dugo.
Ngunit…
Alaala na lamang…
Ang bawat paghampas ng alon,
Ay tila tinig na nagmumula sa’yo…
Ang liwanag na nagmumula sa tubig,
Ay tulad ng iyong titig…
Malalim…
Makahulugan…
Habambuhay…
Aalalahanin ko pa rin…
Ang bawat paglubog ng araw,
Na kasama kita…
Ang bawat paghampas ng alon
Na nagbibigay halaga…
At kahit saaan ka man naroroon,
Alam kong kasama kita ngayon…
Nakatingin…
Nagmamasid…
At kahit alaala na lamang ang lahat…
Hayaan mong pagmasdan kong muli…
“Ang bawat paglubog ng araw…”
0 comments:
Post a Comment